Makata rin ang MASA
Mula sa kanlungan ng aking isip,
Hanggang sa bintana ng aking paningin;
Ay patuloy akong nakatitig,
Sa tunay na makata ng buhay…
Hangin… pagdaloy… alagad…
Ng sining… ng panitikan…
Sila na maghapong nagpapawis,
Sa ilalim ng lupit at galit ni Pebo (Harin ng araw);
Upang maghalo ng semento…
Magmaso ng bato…
Magpunla ng palay…
Para saan? Sa kakaunting barya?!
Tira ng mga Kapitalista
Mga mata ko’y patuloy na nakatuon,
Sa batang naglalako sa daan
Ng tuhog na sampaguita, sa pagragasa ng mga sasakyan.
Edukasyon—ano’ng kawalan!
Nasaan ang kabataan? Oh tanang pag-asa ng bayan?!
Trabaho, hanap-buhay sa iyo’y pinagkait,
Pangakong nilimot na kasabay ng dapit-hapon…
Sino ang magsasabing hindi sila makata?
Sila na ang tula ng buhay ay inililimbag
Mula sa pawis at dugo; luha ng kahirapan…
Dalita’t parusa – kadena hanggang kamatayan!!!
Karangala’y igawad sa kanila, oh tunay na makata,
Mga buhay na tula… Ang Masa.
Winner, 3rd Palad Craetive Writing Contest
By: Juan Antonio Castañeda