Bahagi ka ng aking buhay. Mahal ka sa akin, sapagkat sa aking pakiwari'y ay kasama kita kahit saan ako naroroon. Hindi kita malilimot habang ang mundo'y umiinog.
Pangarap kong masarili ka upang mabigyan mo ako ng lubos na kasayahan. Sa aking paghimlay ay nadarama kong ipaghehele mo ako. Nararamdaman ko na tila ka nanunuot sa kaliit-liitang himaymay ng aking laman at tila nadarama ko na ako ay ini-aakyat mo sa kataas-taasang pedestal ng kaligayahan.
Kung naririnig kita ay tila ba pinagkakalooban ako ng Diyos ng lakas at sigla, at katawan upang magampanan kong lahat ang mabibigat kong gawain araw-araw. Ang lahat ng bagay na may kinalaman sa iyo ay mahal ko rin. Ang iyong tinig ay himig na tumatagos sa kaibuturan ng aking puso.
Minsan ay napansin ng aking mga kakilala't kaibiga na ako'y lumalayo sa kanila. Ang dahilan ay ikaw, mahal ko. Talagang sinasadya kong lumayo sapagkat ayaw kong gambalain nila tayo sa ating pagniniig. Magdamdam man sila sa akin ay hindi ko ikalulungkot at lalong hindi ko daramdamin. Inaamin kong higit kitang mahal kaysa kanino man.
Maraming ulit na rin akong nakadarama ng kalungkutan sa aking pag-iisa, subalit ito ay madali kong mapawi. Pinaliligaya mo ako sa abot ng iyong makakaya. Bilang ganti, hinahangaan ko ang mga nilikhang nagbibigay sa iyo ng mabuting pagpapahalaga at nag-uukol ng pang-unawa.
Ayon sa kilalang makata, "Ikaw ay wika ng Kaluluwa." Maaari nilang sabihin ako'y nababaliw dahil sa labis na pagpapahalaga ko sa iyo, ngunit wala akong magagawa. Talagang wala.
Ang nadarama ko para sa iyo ay hindi ko ikahihiya. Taas noo kong sasabihin at ipagsisigawan sa lahat ng sulok ng daigdig na ikaw, MUSIKA, ang aking inspirasyon.